SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines - –Pasok ang Vigan City bilang pambato ng Pilipinas sa top 21 finalist sa listahan sa patuloy na pagpili sa bagong 7 Wonders of the World.
Ang listahan ng mga bansa na pumasok sa top 21 official finalist ng New 7 Wonders ay ipinalabas nitong Hunyo 7 kung saan mapalad na napabilang ang Vigan City .
Mula sa dating 28 bansa ay nahulog ang pitong iba pa matapos ihayag mismo ni Bernard Weber, founder-president ng New 7 Wonders ang 21 napiling mga lungsod sa buong mundo.
Ang mga Lungsod na nakapasok sa Top 21 ay ang Bangkok sa Thailand; Barcelona sa Spain; Beirut sa Lebanon; Chicago sa USA; Doha sa Qatar; Durban sa South Africa; Havana sa Cuba; Istanbul sa Turkey; Kuala Lumpur sa Malaysia; La Paz sa Bolivia; London sa United Kingdom; Mendoza sa Argentina; Mexico City sa Mexico; Mumbai sa India; Perth sa Australia; Quito sa Ecuador; Reykjavik sa Iceland; St. Petersburg sa Russia; Seoul sa South Korea; Shenzhen sa China; at ang Vigan City ng Pilipinas.
Samantala, nahulog naman sa iliminasyon ang mga lungsod ng Athens ng Greece; Casablanca ng Morocco; Ho Chi Minh City ng Viet Nam; Kyoto ng Japan; Phnom Penh ng Cambodia; Prague ng the Czech Republic at Vancouver ng Canada.
Nagpa-abot naman ng pasasalamat si City Mayor Eva Singson Medina sa mga bumoto at sumoporta para mapabilang ang Vigan City sa top 21.
Ang iliminasyon ay magpapatuloy hanggang sa Oktubre 7 kung saan ihahayag ang 14 na finalist habang ang mananalong ay malalaman sa Disyembre 7, 2014.
Dahil dito, inaasahan na makikipagtulungan ang mga Pinoy sa buong mundo sa pamamagitan ng pagboto para tuluyang makapasok ang Pilipinas sa bagong 7 Wonder Cities of the World.