Pulis itinumba sa kapitolyo

NUEVA ECIJA, Philippines – Napatay ang 38-anyos na pulis matapos na pagbabarilin ng hindi kilalang lalaki habang ito ay bumibili ng buko juice sa harap ng Nueva Ecija Provincial Capitol Building sa Barangay Singalat, Palayan City, Nueva Ecija kamakalawa ng hapon. Dalawang tama ng bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ni PO3 Marcos Lopez, nakatalaga sa Provincial Public Safety Company at nakatira sa Barangay San Isidro, Cabanatuan City. Lumilitaw sa imbestigasyon na kagagaling lang ng biktima sa hearing ng isang kaso sa Palayan City Regional Trial Court Branch 40 kung saan dumiretso ito sa Provincial Capitol, bandang alauna ng hapon. Nabatid na dahil sa sobrang init ng panahon ay huminto muna ito sa harap ng Kapitolyo at bumili ng buko juice sa isang vendor.  Gayon pa man, habang umiinom ng buko juice ang biktima ay nilapitan ng nakamotorsiklong lalaki saka dalawang beses na binaril sa ulo. Agad na tumakas ang gunman patungo sa direksyon ng Cabanatuan City.

Show comments