Lola kinatay ng manugang, 2 apo

MANILA, Philippines - Malagim na kamatayan ang sinapit na isang 79-anyos na lola matapos itong pagtulungang pagta­tagain ng kaniyang manugang na babae at dalawang apong lalaki sa bayan ng Josefina, Zamboanga del Sur kamakalawa.

Arestado naman ang manugang na si Myrna Gumilid, 49; at dalawa nitong anak na lalaki na sina Rene Boy, 28; at Joseph, 23, mga residente ng Barangay Moraji sa nasabing bayan.

Ayon kay P/Senior Inspector Joseph Ortega, spokesman ng PNP regio­nal Office 9, ang mag-iina ay mga suspek sa brutal na pamamaslang laban sa biktimang si Heleria Montepon Gumilid.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang malagim na krimen matapos na magtungo ang matanda sa bahay ng mag-iina bandang alas-10 ng umaga upang bisitahin ang kaniyang apong lalaki na umano’y may diperensya sa pag-iisip.

Gayon pa man habang nasa loob ng bahay ng mag-iina ay humantong sa matinding pagtatalo ang magbiyenan.

Kasunod nito ay bigla na lamang kumuha ng itak ang manugang at pinagtataga ang matanda kung saan tumulong pa sa pagpatay ang dalawang apong lalaki.

Kaagad na tumakas ang mga suspek pero nasakote sa follow-up operations ng mga awtoridad.

Show comments