CAMARINES NORTE, Philippines - Itinumba ang 22-anyos na lalaki na sinasabing drug pusher habang tatlo nitong kasama ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa bahagi ng Purok 5, Barangay Luklukan Sur, bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte kamakalawa ng madaling araw. Kinilala ang napatay na si Jonathan Magdaong habang sugatan naman sina Jobel Auro, 31, ng Brgy 1, Daet, Camarines Norte; Daniel Ferrer, 56, ng Barangay Del Rosario sa bayan ng Mercedes; at si Noel Corbito, 41, ng Purok 6, Barangay Luklukan Sur. Sa ulat ng pulisya, lumilitaw na naganap ang pamamaril habang nagma-majhong ang mga biktima sa bahay ni Benjie Corbito. Narekober sa crime scene ang anim na pirasong plastic sachet ng shabu, cal. 45 pistol, at 3-simcard.