Mag-amang negosyante kritikal sa holdap

BULACAN, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang mag-amang negosyante makaraang pagbabarilin ng mga armadong holdaper sa naganap na P.5 M robbery/holdup sa Baliuag, Bulacan kahapon.

Patuloy na isinasalba ang buhay sa pagamutan ng mga biktimang sina Miguel Gatchalian, 53 anyos at anak nitong si Sunshine Evangelista, 22; pawang residente ng Brgy.Tilapayong sa nasabing bayan.

Base sa imbestigasyon nina PO3 Dante Castillo at PO2 Marvin Perez dakong alas-12:45 ng hapon kasalukuyang lulan ang mag-ama ng Toyota Hi-lux (URO-580) pauwi na sa kanilang tahanan nang harangin ng mga suspek na riding in tandem sa motorsiklo pagsapit sa Brgy. Sullivan ng naturang  munisipalidad.

Armado ng cal. 45 pistol ay agad pinagbabaril ng mga suspek ang sasakyan na ikinasugat ng babae saka puwersahang inaagaw ang dala nitong bag na naglalaman ng kalahating milyong piso at bago tumakas ay binaril rin ang ama nito.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga awtoridad sa kasong ito.

 

Show comments