DAVAO CITY , Philippines – Aabot sa P306 milyong halaga ng cocaine ang nasabat ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya matapos ang inilatag na drug bust sa Bunawan, Davao City, ayon sa ulat kahapon. Nabatid na bago madiskubre ang nasabing droga ay napansin ng mga trabahador ng Sumifru (Philippines) Corp. na ang bahagi ng kisame ng container van ay natuklap habang sila ay nagkakarga ng mga saging. Gayon pa man, nang usisain ng mga trabahador ang natuklap na kisame ng van ay natuklasan ang ilang bundle ng droga na nakadikit kaya agad nilang ipinaabot sa mga awtoridad. Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 11 at puwersa ng pulisya kasama si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Dito na ininspeksyon ng mga awtoridad ang container van kung saan nadiskubre ang 24 bundles ng high-grade cocaine, na umaabot sa P144 milyong halaga. Natuklasan naman ang nawawala pang 41 bundle ng cocaine mula sa kabuuang 65 bundles. Samantala, aabot naman sa 27 bundles ng cocaine na nagkakahalaga ng P162 milyon ang narekober sa isinagawang operation noong Sabado. Aabot naman sa 14 na bundles ng cocaine na nagkakahalaga ng P8 milyon ang nanatiling nawawala. Isinalin sa Tagalog mula sa ABS-CBN news Service