Vice mayor kinidnap sa Zambo

MANILA, Philippines - Naglunsad na ng rescue operations ang pinagsanib na elemento ng pulisya at militar para sagipin ang bise alkalde ng Hadji Mutamad, Basilan na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Chief Inspector Ariel Huesca, PNP regional  spokesman ang binihag na si Vice Mayor Arsina Nanoh, 20, ng Southcom Village, Zamboanga City.

Bandang alas-12:15 ng hapon nang magtungo ang mag-asawang Arsina at Alnajil Nanoh kasama ang ilang kaibigan sa Mindpro Mall, La Purisima Street.

Gayon pa man, habang palabas sa exit gate ng Mindpro mall parking lot  ang kanilang sasakyan ay sinabi ni Arsina sa kaniyang asawa na biglang aniyang tumawag ang kaibigan at makikipagkita muna siya rito.

Sinabi ng bise alkalde na mauna na ang kaniyang mister at tatawag na lamang umano siya para magpasundo pero ilang oras na ay hindi pa ito nakababalik.

Ilang oras pa ay may kumontak sa mister ng lokal na opisyal at sinabing hawak nila ang biktima kung saan hinihintay na lamang umano ang kanilang boss para sa demand.

Patuloy naman ng imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang grupong nasa likod ng krimen.

Show comments