7 kabataan nasagip sa cybersex den

MANILA, Philippines - Nasagip ng mga ope­ratiba ng PNP-Anti-Cybercrime Group-Regional Digital Forensic Laboratory (PNP-ACG-RDFL) ang pitong kabataang babae na naaktuhang nagsasayaw ng hubo’t hubad sa harap ng webcam habang  dalawa namang operator ng cybersex den ang nasakote sa isinagawang raid sa Davao City kamakalawa.

Kinilala ni P/Senior Supt. Gilbert Sosa, hepe ng Anti-Cybercrime Group Regional Digital Forensic Laboratory (RDFL) 11 ang mga suspek na sina April Lyn Sinasap, 24; at Kristine Abaro-Sinasap, 30.

Sinalakay ng mga awtoridad ang Room #3 sa No. 499, Purok 26, Brgy. Bucana malapit sa Times Beach na isang apartment type na bahay sa compound ng Ecoland.

Nabatid na apat na buwang case build-up ang isinagawa matapos na makatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa illegal na aktibidades sa nasa­bing lugar.

Armado ng search warrant na inisyu ni Judge Evalyn-Arellano-Morales ng Da­vao City Regional Trial Court Branch 17, sinalakay ang nasabing lugar na nagresulta sa pagkakasagip sa mga kabataan na nagkakaedad mula 14, 15,16 at 17-anyos.

Nasamsam sa mga suspek ang mga laptop, broadband SIM card, mobile phones, headphone, resibo mula sa pawnshop, sari-saring discs, mga bala ng cal. 38 revolver at cash na P1,450.

 

Show comments