MANILA, Philippines - Isa-katao ang kumpirmadong namatay habang 32 iba pa ang nasugatan makaraang mahulog ang pampasaherong bus sa tulay sa pakurbadang highway sa Barangay Balugo, bayan ng San Sebastian, Samar noong Martes ng gabi.
Idineklarang patay sa Eastern Visayas Regional Medical Center ang biktimang si Rona Tizon habang patuloy naman ginagamot ang mga sugatan kung saan apat ang nasa kritikal na kalagayan.
Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Felipe Tan, hepe ng Samar PNP Community Relations, naganap ang sakuna dakong alas-9 ng gabi matapos mahulog ang Super 5 Bus (POE-465 ) na minamaneho ni Nelson Padame, 59, ng Diliman, Quezon City sa nasabing barangay.
Ayon naman kay P/Senior Insp. Elizalde Cagampang, bagaman kabilang sa sugatan ang driver na si Padame na nagtamo ng putok sa ulo, sugat sa likod at nabalian ng kamay ay tumakas ito sa pagamutan.
Ang nasabing bus na may 54 pasahero ay mula sa Metro Manila at patungo sana sa Tacloban City nang maganap ang insidente.