TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - – Isa ang napatay habang isa naman ang nasa kritikal na kalagayan matapos pagbabarilin ng mga di-kilalang lalaki ang grupo ng magsasaka na nag-iinuman sa Barangay Gauan, bayan ng Amulung, Cagayan kamakalawa. Naisugod pa sa Cagayan Valley Medical Center subalit idineklarang patay si Wilmar Ganeb habang malubha naman si Rogelio Rojado. Ayon kay PO2 Gerald Domingo, magkasamang nag-iinuman ang mga biktima sa bahay ng pamilya Rojado nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril kung saan kaagad na bumulagta ang dalawa. Pinaniniwalaang paniningil ng pautang noong nakaraang pamumulitikang barangay ang isa sa motibo kaya niratrat ang grupo ng mga biktima.