Pulis, 17 pa tiklo sa paglabag sa curfew

MANILA, Philippines - Umaabot na sa 18-katao kabilang ang isang pulis ang inaresto ng mga operatiba ng Zamboanga City PNP matapos na lumabag sa iniimplementang curfew hour sa kamakalawa  ng madaling araw.

Kabilang sa mga nasakote ay sina PO3 Reynaldo Tubog Melanio, Timoteo Capillar Jr., Rommel Soberano, Al-Rajeeb Matolo, Oliver Baharon, Paciano Jose Tanghal, Al-Shidar Alih, Danilo Cinco, Edman Ibrahim, Arjohn Ray Supne, Rolan Bacalla, Fadzni Jaji, Jenamin Vivar, Delmer Bascuna, Michael Vincent Arañez, Jessie Canteyanes, P-Jay Delos Santos, Marlon Endino, at si Rey Andrei Tabique.

Nabatid na si PO3 Melanio ay off-duty nang masakote sa paglabag sa curfew.

Ayon kay P/Chief Insp. Ariel Huesca, spokesman ng police regional office-9, bandang alas-12:30 ng madaling araw ng masakote ng pangkat ni P/Senior Inspector Albert Filoteo ang 18-katao sa Barangay Sta Maria.

Ang curfew hour ay inimplementa ni Zamboanga City Mayor Beng Climaco-Salazar matapos ang kaguluhan na pinangunahan ng Moro National Liberation Front (MNLF) Nur Misuari faction na sumalakay sa anim na barangay noong Setyembre.

Nabatid na ipinatutupad ang curfew hour simula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Pansamantalang ipiniit ang 18-katao pero pinalaya rin matapos ang ilang oras kung saan nagmulta at may katapat na kaparusahang serbisyo sa komunidad.

Show comments