Mister inutas ng lover ni misis

MANILA, Philippines - Doble kamalasan ang sinapit ng na­pendehong mister matapos itong pagsasaksakin hanggang sa mapatay ng lover ng kanyang misis sa Barangay East Poblacion, bayan ng Manukan, Zamboanga del Norte kamakalawa ng gabi.

Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Virgilio Nitre, 46, pedicab driver, habang na­aresto naman ang suspek na si Tolentino Sugabo, 42, hiwalay sa asawa, dating security guard at nakatira sa Barangay Buenavista sa bayan ng Mutia.

Sa ulat ni P/Chief Inspector Ariel Huesca, spokesman ng police regional office 9 na naisumite sa Camp Crame, naganap ang krimen sa loob ng silid ng mag-asawang Nitre bandang alas-9 ng gabi.

Lumilitaw na sandaling umuwi ang biktima upang dalhan ng pagkain ang dalawa nitong anak na sina Mark Lester Nitre, 17; at Juanever Nitre, 16.

Gayon pa man, laking gulat nito nang maaktuhan sa loob ng silid nila ng kanyang misis na si Diana Dinopol ang suspek na nagsi-zipper pa ng pantalon matapos makipagtalik.

Dito sumiklab ang galit ng biktima kung saan sinugod ng suntok ang kalaguyo ng kanyang asawa.

Sa puntong ito ay inundayan ng sunud-sunod na saksak ang biktima ng suspek na may dala palang hunting knife.

Kaagad na tumakas ang suspek pero naaresto rin ng pulisya sa isinagawang follow-up operation sa Barangay Don Jose Aguirre sa nasabing bayan.

 

Show comments