8 patay sa flashflood

MANILA, Philippines - Walo-katao  ang iniulat na namatay sa pananalasa ng flashflood dulot ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa Western at Central Visayas, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng National Disas­ter Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kinilala ng mga biktima na sina Quennie Ymon, 5, tinangay ng baha sa Fabella Creek sa Valderama, Antique; at Ceferino Nietes, inanod naman ng agos sa Sabang River sa bayan ng Bugasong, Antique.

Sa ulat naman ni Office of Civil Defense Region VII Director Minda Morente, anim naman ang namatay at dalawa ang nawawala sa Central Visayas sa flashflood partikular na sa Negros Oriental na nakaapekto sa 13,000-katao.

Kabilang sa namatay ay sina PO1 Rodelyn Gonzaga, 29, nasawi sa rescue ope­ration sa kasagsagan ng pagbaha sa Brgy. Buala, Bayawan City; Shirley Tombrador, Ronald Gargarian, 14, ng Brgy. Minaba; buntis na si Maricel Regado, Puriciano Sedo, 74, pawang nakatira sa Bayawan City;  at si Tamprio Barcoron ng Brgy. Isla, Banga. Nawawala naman sina Jayvee Lofranco, 19; at isang tinukoy sa pangalang Erwin, 23.

Nasa ilalim ng state of calamity ang Bayawan City, Negros Oriental matapos lumubog sa baha ang mala­king bahagi umpisa pa noong Linggo.

Apektado rin ang mga bayan ng Siaton, Basay, Banga, Santa Catalina, Mabinay at Dumaguete City na pawang sa nabanggit na lalawigan.

Ayon kay NDRRMC E­xecutive Director Eduardo del Rosario, naapektuhan ang 18,828 pamilya (92,658-katao) sa Region VI, VII,IX, X at XII.

Nagpapatuloy naman ang pamamahagi ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ng flashfloods.

Show comments