Tree planting niratrat ng NPA; parak utas

CAMP SIMEON OLA , Legazpi City, Philippines – Napaslang ang isang pulis habang isa pa ang malubhang nasugatan makaraang paulanan ng bala ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa nabalutan ng trahedyang ‘tree planting’ sa Brgy. Buyo, Claveria, Masbate kahapon ng umaga.

Kinilala ang nasawing parak na si PO1 Randolf Alegre, nasapul ng tama ng punglo sa ulo. Isinugod naman sa Claveria District Hospital ang kasamahan nitong si PO1 Mc Donald Casi.

Ayon sa PInsp. Malu Calubaquib, Spokesperson ng Police Regional Office (PRO) V, na ang insidente ay naganap dakong alas-7:30 ng umaga habang ang mga miyembro ng Claveria Municipal Police Station at 5th Regional Public Safety Battalion ay nagsasagawa ng tree planting.

Kasalukuyang abala sa pagtatanim ng punong kahoy ang mga pulis nang biglang sumulpot ang isang grupo ng mga kalalakihan na nagkunwaring sibilyan at ng malapit na sa mga biktima ay biglang binunot ang itinatago ng mga itong armas saka pinagbabaril ang mga biktima.

Agad namang nagsitakas ang mga rebelde sa takot na maabutan ng reinforcement troops ng pamahalaan.

Narekober sa lugar ang isang garand rifle, isang cal 9 MM pistol, isang cal 38 pistol, mga basyo ng M14 rifle at  M16 rifle.

Show comments