Mall employee, 1 pa sugatan sa sekyu

MANILA, Philippines - Dalawa-katao  kabilang ang isang mall employee ang nasugatan makaraang pumutok ang baril ng security guard sa shopping mall sa Tagum City, Davao del Norte kamakalawa ng gabi.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang mga nasugatang biktima na sina Mark Kenneth Divino, at Catherine Cuaton, kawani ng mall na kapwa isinugod na sa Davao Regional Hospital.

Si Divino ay nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang mukha at noo habang si Cuaton ay sa likurang bahagi ng katawan.

Samantala, pormal na kinasuhan ang security guard na si Mohayment Cadatu ng Makabayan Security Agency.

Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente sa main entrance ng Gaisano Mall sa Brgy. Magugpo East dakong alas-8:30 ng gabi.

Kasalukuyang iniinspeksyon at kinukutingting ni Cadatu ang hawak na 12 gauge Armscor shotgun sa entrance ng mall nang bigla itong pumutok kung saan aksidente namang tumama sa dalawang biktima.

Sinasabing inakala ng guwardiya na natanggal na niya ang bala ng shotgun na hindi napansin na may natitira pa kaya biglang pumutok ng kaniyang kalabitin ang gatilyo.

Boluntaryo namang sumuko ang guwardya sa kaniyang superior na iti­nurnover ito sa himpilan ng pulisya.

 

Show comments