Katarungan sa napatay ng PNP, hiling

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Sumigaw ng katarungan ang kaanak at mga katrabaho ng isa sa apat na napatay ng pulisya sa napaulat na enkwentro ng sinasabing gun running syndicate sa Barangay. Centro Northwest, bayan ng Solana, Cagayan kamakalawa.

“Kung gun runner ang aking mister, mapera na sana kami ngayon at hindi ganitong naghihikahos sa buhay,” umiiyak na pahayag ni Arlene, 33, biyuda ni Ronie Apacible na isa sa apat na napatay ng pulisya sa encounter.

Kasamang napatay ni Apacible sina Freddie Pagulayan, 51, sinasabing utak ng sindikato na may ari ng bahay na ni-raid sa pulisya; Edwin Dumlao ng Barangay Lingu; at si Gilbert Diaz ng Brgy. Buntun, Tuguegarao City.

Nabatid na si Apacible na naninilbihang driver ng Cagayan Appliance Center sa nabanggit na lungsod ay inutusan lamang ng may-aring si Ronel Foronda para tubusin ang pinaayos niyang airgun kay Pagulayan.

Si Pagulayan ay kilalang gunsmith sa bayan ng Solana na nag-aayos ng mga sirang baril at maging ang ilang pulis ay nagpapagawa ng baril sa kanya.

Sa pahayag ni Foronda na nadamay lamang si Apacible sa palitan ng putok ng mga operatiba ng pulisya at walang kinalaman sa akusasyong gun running.

Idiniin naman ni P/Senior Supt. Gregorio Lim na lehitimo ang operasyon ng pulisya habang patuloy pa rin ang pagsisiyasat.

Show comments