Alitan sa trapiko: 1 dedo

CAVITE, Philippines – Dahilan lamang sa alitan sa trapiko, patay ang isang 30 anyos na lalaki habang masuwerte namang nakaligtas ang kasama nito matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang suspek sa Tanzang Luma V, Imus City, Cavite kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Jemson Dela Cruz, residente ng Brgy Carsadang Bago ng naturang lungsod at masuwerte namang nakaligtas ang backrider nito na mabilis na nakalundag sa motorsiklo saka nagtatakbo.

Base sa imbestigayon, bandang alas-3 ng hapon ng maganap ang insidente habang minamaneho ng biktima ang kaniyang motorsiklo nang makagitgitan ang sasakyan ng suspek sa kahabaan ng nasabing lugar.

Napikon umano ang suspek na nakipagtalo kay de la Cruz kaya hinarang na nito ang motorsiklo saka pinagbabaril ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan. Nagsasagawa na ng follow-up operations ang pulisya sa kasong ito.

Show comments