Pangulo ng transport group, itinumba

MANILA, Philippines - Bulagta ang 47-anyos na presidente ng transport group  makaraang ratratin ng riding-in-tandem assassins na ikinasugat din ng pamangkin nitong lalaki sa kahabaan ng highway sa Cotabato City kamakalawa.

Anim na tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Alimudin Lucman, presidente ng Notre Dame Village Drivers and Operators Association.

Samantala, sugatan naman ang pamangkin nitong si Mamudin Ayunan Aluy, 29.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Rolen Balquin, director ng Cotabato City PNP, naganap ang pananambang bandang alas-7 ng umaga matapos ihatid ng biktima ang kanyang mga anak sa eskuwelahan.

Nabatid na minamaneho ng biktima ang multicab kasama ang pamangking lalaki nang tapatan at pagbabarilin ng gunmen.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol ha­bang patuloy naman ang imbestigasyon.

 

Show comments