64-anyos ama kinatay ng anak

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Brutal na kamatayan  ang sinapit ng 64-anyos na ama matapos itong pagtatagain ng sari­ling anak na lalaki dahil sa pakikipag-away sa kanyang mga pinsan kamakalawa ng hapon sa Barangay Sta. Cruz, bayan ng Barcelona, Sorsogon.

Halos magkaputul-putol ang katawan ng biktimang si Juanito Espineda, magsasaka habang sumuko naman sa mga opisyal ng barangay ang suspek na si Richard Espineda, 32, binata at kap­wa nakatira sa nabanggit na barangay.

Napag-alamang bago naganap ang pananaga ay dumalo ang suspek sa kapistahan sa Sitio Panadan, Barangay Macabari kung saan nakipag-inuman sa kanyang mga pinsan.

Nang malango sa alak ay naghamon ng away ang suspek sa kanyang mga pinsang lalaki kung saan pinatulan naman siya.

Gayon pa man, umuwi ang suspek at nagsumbong sa kanyang ama sa pag-aakalang matutulungan.

Subalit hindi kinampihan ng ama ang kanyang anak dahil sa pagkakamaling ginawa nito na panggugulo sa nasabing lugar at pakikipagsuntukan sa kanyang mga pinsan.

Dito na sumiklab ang galit ng suspek laban sa kanyang ama kung saan pinagtataga hanggang sa mapatay ang matandang Espineda

Show comments