MANILA, Philippines - Dalawa-katao kabilang ang mister ng re-electionist mayor ng United Nationalist Alliance (UNA) ang iniulat na napaslang makaraang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa bayan ng Lemery, Iloilo kahapon ng umaga.
Idineklarang patay sa Sara District Hospital ang mister ni Lemery Mayor Ligaya Apura na si John Apura, at isang alyas Espaldon na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan habang ginagamot naman ang isa pang kasamahan.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-8:30 ng umaga nang tambangan ang biktima ng mga armadong kalalakihan sa bisinidad ng Barangay Anabo.
Nabatid na pinaglalabanan ang mayoralty race sa bayan ng Lemery nina Ligaya Apura, Lowel Tuando Arban ng Liberal Party at independent candidate na si Vicente Inion.
Arestado naman sa follow-up operation ang isa sa gunmen na si Mario Cobarrubias ng Dumarao, Capiz na sinasabing wanted sa kasong murder.