Pulis, 1 pa grabe; 5 tiklo sa arm cache

CAVITE , Philippines   -  Kalaboso ang limang kalalakihan na makum­piskahan ng matataas na kalibre ng baril sa isinagawang operasyon kung saan malubhang nasugatan ang isang pulis at isang lalaki kahapon ng madaling-araw sa Trece Martires City, Cavite.

Kinilala ang sugatang pulis na si PO2 Ivan Mark Cuartero, at ang security guard na si Dennis Asuncion, 35, ng Brgy. Banaba, Silang, Cavite.

Kabilang naman sa mga  nasakoteng suspek ay sina Raymond Eguillos, 41, ng La Trinidad Subd., Brgy. Cabuco; Eurie Tulabot, 24, ng Capitol Hills; Jem Bennison Baldeo, 30, ng  Brgy. Lapidario;  Jojo Sibug, 33, ng Summerfield Subd. Brgy. Osorio; at si  Allan Limbo, 25, ng Brgy. Lapidario, Trece Martires City.

Ang mga suspek ay nasakote sa bisa ng  search warrant na inisyu ni Judge Lerio C. Castigador ng Naic Regional Trial Court Branch 15 kung saan pinangunahan ni P/Supt. Glenn Dumalo ang pagsalakay sa pinagkukutaan ng mga suspek  sa La Trinidad Subd., Brgy Cabuco.

Nasamsam ang iba’t ibang malalakas na kalibre ng baril, mga bala na sinasabing gagamitin ng ilang politiko sa nalalapit na mid-term election sa Mayo.

Show comments