LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Dismayado ang mga botante sa mga kandidatong nanunuyo sa pangangampanya sa saliw ng mga sikat na dance groove gaya ng Gangnam style at Harlem Shake, ayon sa survey na isinagawa ng grupo ng political analyst mula sa University of the Philippines.
Sa isinagawang survey ng TechnoMedia Asia sa ilang respondent mula sa Batangas, Laguna at Camarines Sur lumilitaw na apat na porsiyento lamang sa mga botante ang naaaliw sa mga pulitiko na sumasayaw sa entablado habang 97-porsiyento ang mas nais na house-to-house ang maging paraan ng pangangampanya ng mga pulitiko.
Lumilitaw din sa survey na isinagawa noong Oktubre hanggang Disyembre 2012 na ang edukasyon ang unang nais ng publiko na matugunan partikular sa mga lalawigan.
Ang nasabing survey ay isinagawa sa pamamagitan ng bagong teknolohiya na geo tagging applications kung saan pad-based ang survey o gamit ang mga tablet.
Ang geo tagging applications ay kauna-unahang teknolohiya sa pagsasagawa ng survey na ginagamit ng Technomedia kung saan P250 lamang ang gagastusin sa bawat respondent at aabutin lamang ng 3 hanggang 5 araw para makuha ang resulta ng kinomisyong survey. Nagsasagawa rin ito ng exit polls para sa mga pulitiko kung saan real time ang makukuhang resulta na advantage sa mga pulitiko dahil makikita nito ang mga lugar kung saan mahina o malakas ang kandidato.