Bata natabunan nang buhay

CAMARINES NORTE, Philippines - Gumuho ang pangarap ng mga magulang ng 5-anyos na batang lalaki matapos itong matabunan nang buhay sa construction site sa Barangay Magalang sa bayan ng Libon, Albay kamakalawa. Kinilala ni P/Chief Insp. Jefferson Araoj ang biktima na si Jeremy Fernandez, pre-school student at nakatira sa Barangay San Antonio. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya,  ang biktima ay kasama sa nagpapraktis para sa Recognition Day kung saan habang nagpahinga na ang mga kaklase nito subalit nagpunta ang bata sa construction site na hindi namalayan ng guro. Nagkataon namang binubuldozer ng drayber na si Michael Abejuela ang mga nakaimbak na lupa malapit sa nasabing eskuwelahan kung saan natabunan ang biktima. Agad na nagsagawa ng rescue operation ang pulisya at makalipas ang 30-minuto narekober ang bangkay ng bata.

Show comments