CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Nagwakas ang pagiging guro ng isang lalaki matapos itong ratratin ng ‘di-kilalang lalaki sa loob ng eskuwelahan sa Barangay Alegria, bayan ng Pio V. Corpus, Masbate kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Arnulfo PagÂhubasan Sr., may asawa, guro sa Alegria Elementary School at nakatira sa nabanggit na bayan.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Heriberto Olitoquit, provincial PNP director, naganap ang krimen dakong alas-5 ng hapon sa loob ng silid-aralan ng biktima.
Nabatid na pauwi na ang biktima at mga estudyante nito nang lapitan at ratratin ng gunman kung saan nasaksihan pa ng ilang mag-aaral ang pamamaril sa kanilang guro.
Maging ang mga kasamahang guro ng biktima ay natulala at nagulantang sa nasaksihang krimen kung saan palakad na tumakas ang assassin na animo’y walang naganap na pamamaril.
Samantala, hindi na mapigilan ng pulisya ang sunud-sunod na pamamaslang sa Masbate kung saan isang vice mayoral bet ang napatay sa bayan ng Mobo at isa pang kagawad napatay naman sa bayan ng Balud sa nakalipas na araw.