Puno ng mangga, nagsasalita
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines - Palaisipan ngayon ang nangyayaring kababalaghan sa Barangay Aring sa bayan ng Badoc, Ilocos Norte matapos madiskubre ang puno ng mangga na pinaniniwalaang pinanggagalingan ng mahiwagang boses, ayon sa ulat kamakalawa. Napag-alaman na unang nadiskubre ni Vilma Quibuyen, 42, ang nasabing kababalaghan sa kanilang barangay nang hanapin nito ang alagang aso sa kanyang bakuran. Ayon pa sa ulat, kasalukuyan umanong tinatawag ni Vilma ang nawawalang aso subalit laking gulat na lamang niya nang may marinig siyang boses sa hindi kalayuan. Nilapitan nito ang pinagmumulan ng boses at kinumpirma na sa mismong puno ng kanilang mangga nagmumula ang tinig kaya tumayo ang kanyang balahibo sa mga braso dahil sa pagkabigla kung saan nagtatalon at tumawag ng saklolo sa mga kapitbahay. Agad din umanong dinumog ng mga kabarangay ang lugar at maging sila ay narinig din ang mahiwagang boses mula sa nasabing punungkahoy. Lalo pa umanong namangha ang mga residente sa misteryong nangyayari nang kunan ng larawan ang nasabing punungkahoy at lumitaw ang tila larawan ng isang tao mula sa kinunang puno.
- Latest