Jeepney bumangga sa truck: 2 patay, 15 pa sugatan

MANILA, Philippines - Dalawang babae ang nasawi habang 15 naman ang nasugatan makaraang aksidenteng bumangga ang isang pampasaherong jeepney sa nakaparadang  truck sa tabi ng highway sa Brgy. Juan Climaco Sr., Toledo City, Cebu nitong Biyernes ng gabi.

Isa sa mga namatay ay kinilalang si Rosemary Bangkok, 44 anyos, residente ng lungsod at patuloy namang inaalam ang isa pa.

Samantalang ang 15 nasugatang mga biktima ay unang isinugod sa Toledo District Hospital bago ang mga ito inilipat sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City.

Batay sa ulat ni Supt. Henry Biñas, hepe ng Toledo City Police, bandang alas-7 ng gabi habang bumabagtas ang pampasaherong jeepney na minamaneho ni Edelmar Alester, 29 anyos ng aksidente itong bumangga sa nakaparadang 10 wheeler truck sa tabi ng highway na ang driver ay kasalukuyang kumakain ng hapunan.

Sa inisyal na imbestigasyon, masyado umanong mabilis ang takbo ng jeepney na tuluy-tuloy na sumalpok sa nakaparadang truck na humantong sa trahedya.

Isinailalim na sa kustodya ng pulisya ang driver ng jeepney na ngayo’y nahaharap sa kasong kriminal.

Show comments