Ama inutas ng anak at pamangkin

TUGUEGARAO CITY, Philippines - Isang araw matapos sibakin sa puwesto ang hepe ng pulisya sa bayan ng Tubao, La Union dahil sa walang humpay na patayan, isa na namang ama ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng sariling anak at pamang­king lalaki malapit sa bahay ng alkalde sa Barangay Leones sa nasabing bayan kahapon.

Kinilala ng pulisya ang napaslang na si Jaime Diaz, 44, habang nasakote at pormal na kakasuhan ang mga suspek na sina Jamichael Diaz, 22, anak ni Jaime; at Kent Panelo, 33, pamangkin ng biktima.

Sinasabing naganap ang barilan malapit sa bahay ni Mayor Dante Garcia kung saan nadatnan ng mga pulis na rumesponde ang cal. 45 pistol na hawak ng biktimang nakabulagta sa kalsada.

Nasamsam naman sa anak ng biktima ang cal. 38 revolver habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Matatandaang sinibak sa puwesto ni P/Chief Supt. Franklin Jesus Bucayu ang hepe ng Tubao na si P/Senior Insp. Luis Liban dahil sa serye ng krimen na nagaganap sa kanyang bayan na karamihan ay hindi pa rin nareresolba.

Kabilang sa mga krimen na naganap ay ang pagpaslang kina Barangay Councilman Rodolfo Estoque at ex-Vice Mayor Lazaro Gayo.

Show comments