QUEZON, Philippines – Dalawa-katao ang iniulat na namatay habang siyam na iba pa ang malubhang nasugatan matapos sumabog ang plastic container na naglalaman ng gasolina sa loob ng tindahan sa Sitio Poras, Barangay Abuyon sa bayan ng San Narciso, Quezon, kamakalawa ng hapon.
Namatay habang ginagamot sa Quezon Medical Center sina Reslie Ann Rivano, 12; at Irma Pinid, 26.
Samantala, ginagamot naman sa Mulanay District Hospital ang mga nasugatang sina Kima Andrew Espelita, 10; Kim Rolan Espelita, 10; Medelyn Espelita, 34; Gracia Rivano, 24; Edna Rivano, 26; Radel Tamo, 27; Imat Pinid, 28; Ronald Valdeveja, 29; at si Jodie Rivano, 60.
Sa imbestigasyon ni PO3 Isagani de los Santos, nasa loob ng tindahan si Rolando Espelita at nagbiro itong sisindihan ang ilang galong gasolina sa loob ng kanyang tindahan subalit sa ‘di inaasahang pagkakataon matapos nitong sindihan ang posposro ay biglang nagliyab at sumabog.
Sa lakas ng pagsabog ay nadamay ang mga bata na naglalaro ng tong-its sa labas ng tindahan ni Espelita habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.