Apo ni Enrile dedo sa sariling baril

MANILA, Philippines - Palaisipan ngayon sa mga imbestigador ng pulisya kung nag-suicide o aksidenteng nabaril ng  23-anyos na municipal councilor candidate at sinasabing apo ni Senate President Juan Ponce Enrile matapos itong matagpuang patay kahapon ng umaga sa Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Sta. Ana, Cagayan.

Sa phone interview, kinilala ni Sta. Ana PNP chief P/Inspector Emil Pajarillo ang biktima na si Jean Marie Ponce  na lolo ang tawag kay Sen. Enrile.

 “Our SOCO team were still establishing if the wound is self inflicted, if he commits suicide or it’s just merely an accident,” ani Pajarillo kung saan nagtamo ang biktima ng tama ng bala ng cal. 40 Taurus pistol sa kanang sentido na naglagos sa kaliwa kung saan idineklarang patay sa Saint Anthony Hospital.

Posible ring nalaglag ang cell phone ng biktima at pinulot ito habang ina­ayos ang kaniyang baril ng aksidente itong pumutok pero wala namang nakitang cleaning kit sa crime scene.

Base sa imbestigasyon, ang insidente ay naganap sa ikalawang palapag ng Phoenix Gasoline Station kung saan sa ground floor ay ang mga negosyong pag-aari ng pamilya tulad ng Internet café at coffee shop, meat shop at ang  call center corp. sa Cagayan Economic Zone Authority Freeport.

Bandang alas-6:24 ng umaga ng makarinig ang mga kawani ng biktima ng malakas na putok ng baril at nang tunguhin nila ang pinaggalingan nito ay nakitang nakabulagta na si Jean Marie.

Sa pahayag ng pamilya, wala namang alam na problema ang biktima na sobrang abala sa trabaho matapos na sumabak sa pulitika.

Narekober sa crime scene ang basyo ng bala ng cal. 40 pistol at isa pang live ammunition.

 

Show comments