MANILA, Philippines - Walo-katao ang iniulat na nasawi habang 20 iba pa ang nasugatan matapos sumalpok ang pampasaherong bus sa kongkretong pader sa Toledo City, Cebu noong Sabado ng gabi.
Sa inisyal na ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, patungong bayan ng Pinamungajan ang Jegans Bus Liner nang mawalan ng preno pagsapit sa kurbadang highway ng Don Andres Soriano bandang alas-7 ng gabi.
Dito na sumalpok sa kongkretong pader ang bus kung saan kabilang sa mga nasawi ay sina Virgilio Cananano, Thlema Sibalay, Jose Baraquil at si Felidelfa Barbarati. Naisugod ang mga sugatang biktima sa Carmen Copper Hospital, Toledo District Hospital at sa Vicente Sotto Memorial Medical Center.
Ayon kay SPO1 Peter Cuanso, sumuko naman ang driver na si Allan Pastidio sa Aloguinsan PNP bago dinala sa himpilan ng pulisya sa Toledo City..
Ayon pa sa pulisya, umabot sa 60-pasahero ang lulan ng bus kung saan 45-katao lamang ang maaring isakay.
Nangako naman ang may-ari ng bus na sasagutin ang gastos ng mga namatay at nasugatan. Ricky Tulipat at Freeman tNews Serivce