Legazpi City, Philippines – Umaabot sa 123 katao na karamihan ay mga estudyante at guro ang nailigtas ng mga elemento ng Philippine Navy matapos na magkaroon ng aberya ang sinasakyan ng mga itong pampasaherong bangka sa karagatan ng sakop ng Cueva Point, Burias, Masbate kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Ensign Chibar Bullos, Spokesman ng Naval Forces Southern Luzon, dakong alas-2:30 ng madaling- araw ng masiraan ng makina ang M/B Brian sa bisinidad ng malalim na bahagi ng karagatan.
Ang nasabing ferry boat ay may lulang 5 tripulante, 18 guro at 100 estudyante na delegado ng Claveria sa ‘district meet’ sa San Pascual, Burias Island, Masbate.
Sinabi ni Bullos na ng matanggap ang ‘distress call’ ay agad nagsagawa ng search and rescue operations ang Patrol boat (PG374 ) ng Philippine Navy.
Samantalang wala namang napahamak sa mga lulan ng nasabing ferry boat, ayon pa sa opisyal.