CAMP SIMEON OLA, Legazpi City , Philippines – Kalaboso ang 61-anyos na brodkaster na sinasabing nagpapakalat ng bawal na droga sa kanilang lalawigan matapos masakote ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bahagi ng Pilar Port, Barangay Binanuahan sa bayan ng Pilar, Sorsogon kahapon ng madaling araw.
Pormal na sumasailalim sa tactical interrogation at sasampahan ng kaukulang kasong kriminal ang suspek na si Felicito Lasaro, blocktimer ng radio dyME, anchorman ng TV-6 Masbate at nakatira sa Barangay Nursery, Masbate City, Masbate.
Sa ulat na nakarating kay Christian Frivaldo, asst. regional director ng PDEA, nadakma ang suspek dakong alas-3 ng madaling araw habang naghihintay ng barko na patungong Masbate.
Napag-alaman din sa surveillance team ng PDEA na ang suspek ay nagtungo pa sa Metro Manila at papauwi na ito nang masakote sa inilatag na drug bust operation.
Nasamsam sa suspek ang 5 gramo ng shabu na may street value na P 50,000 kung saan pinaniniwalaang ipagbibili sa nasabing lalawigan.