KOJC members na nagbanta, nang-harass sa mga pulis, kakasuhan
MANILA, Philippines — Nakatakdang magsampa ng kaso si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief PBGen. Nicolas Torre III sa mga nagbanta sa kanya at sa mga pulis sa kasagsagan ng manhunt operation noon kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy.
Kasong direct assault ang kasong isasampa laban sa mga KOJC members na nagbanta, nang-harass sa kanyang pamilya, kanyang mga tauhan at sa ilang mamamahayag habang isinasagawa ang 2 linggong paghahanap sa televangelist.
Ayon kay Torre, personal niyang isasampa ang kaso dahil personal na ang pag-atake sa kanya at sa mga pulis.
“’Yung in-involve nila mga anak namin, mga asawa namin, ay teka muna, over and above the bakod na ‘yan. Hindi pupwede ‘yan,” ani Torre.
Binigyan diin ni Torre na naiintindihan niya ang pagtatanggol ng mga KOJC members kay Quiboloy subalit hindi tama na idamay ang kanilang mga pamilya.
Sa katunayan, isa sa kanyang anak ang nakatanggap ng mga hate messages sa social media account nito.
Dahil dito, sinabi ni Torre na dapat nang maghanda-handa ang mga indibiduwal na gumawa ng mga pananakot at pagbabanta dahil tuluy-tuloy ang kaso.
- Latest