Sunshine, pakakasalan daw ni Atong Ang
Masayang nagtapos ang taong 2024 para kay Sunshine Cruz sa piling ng controversial wealthy businessman na si Atong Ang. Masaya rin para kay Sunshine ang kanyang dating mister na si Cesar Montano na may iba na ring karelasyon.
Masaya rin for their mom ang tatlong anak ni Sunshine kay Cesar na sina Angelina, Sam at Cheska dahil nakikita umano nila kung gaano kasaya ngayon ang kanilang ina.
Bago nakilala ni Sunshine si Atong Ang ay naging okey ang relasyon ng singer-actress sa kanyang ex-husband na si Cesar maging sa bagong partner nitong si Kath Angeles at sa kanilang mga anak. Huling nakarelasyon ni Sunshine ang half-brother ni Ara Mina na si Macky Mathay na hiwalay rin sa asawa at may tatlong anak.
Samantala, gaano kaya katotoo ang balitang may ipinatatayo umanong malaking bahay si Atong Ang para kay Sunshine in Ayala, Alabang?
Nagpahayag din umano ang mayamang negosyante na plano umano nitong pakasalan ang kanyang bagong lady love na pinakilala na rin niya sa kanyang mga anak. Ang marriage ni Sunshine kay Cesar was annulled in 2018, five years matapos silang maghiwalay in 2013.
Pamilya nina Ate Vi, Bong at Tito, abala sa election
Ilang buwan na lamang ang bubunuin at election na naman sa buwan ng Mayo sa taong kasalukuyan at marami-rami ang mga taga-showbiz ang nag-file ng kanilang respective candidacies.
Since kabilang na si Sec. Ralph Recto sa Cabinet secretaries ni Pangulong Bongbong Marcos, tiyak na susuporta pa rin ito sa muling pagtakbo sa pagka-gobernador ng Batangas ng Star for all Seasons at politician na si Vilma Santos-Recto maging sa kanyang stepson na si Luis na siyang kandidato sa pagka-vice gobernor ng Batangas at ng kanilang kaisa-isang anak na si Ryan Christian Recto na tatakbo naman sa pagka-kongresista ng ika-6 na distrito ng Batangas.
Ang isa pang pamilya na magiging super busy sa darating na halalan ay ang pamilya Revilla (Bautista) na pinangungunahan ng actor-producer at senador na si Bong Revilla na muling tatakbo sa senado, ang kanyang misis na si Lani Mercado sa pagka-kongresista gayundin ang kanyang mga anak na sina Bryan Revilla (bilang Partylist representative ng Agimat), Jolo Revilla bilang kinatawan ng unang distrito ng Cavite, si Ram Revilla bilang bokal, maging ang dalawa pang kapatid ni Bong na sina Strike Revilla at Rowena Bautista-Mendoza bilang mayor at vice mayor ng Bacoor Cavite.
Muli ring tatakbo sa pagka-mayor ng Antipolo ang brother-in-law ni Bong na si Mayor Junjun Ynares.
Maging ang pamilya ni dating Sen. Tito Sotto ay magiging abala rin sa darating na halalan. Si Tito Sen ay muling kakandidato sa pagka-senador, ang kanyang unico hijo na Gian Sotto bilang vice mayor ng Quezon City, pamangkin na si Vico Sotto bilang mayor ng Pasig sa ikatlong pagkakataon at iba pa.
Bawal man ang tinatawag na political dynasty, mukhang mahirap itong buwagin sa kultura ng mga Pinoy.
- Latest