MANILA, Philippines — Magarbo ang pagtatapos ng taon para sa Pinoy table tennis team nang bumanat ito ng gintong medalya sa prestihiyosong 2024 US Open Table Tennis Championships na ginanap sa Las Vegas, Nevada.
Magkatuwang sina Khevine Khieth Cruz at Liam Zion Cabalu sa pagkopo ng kampeonato sa boys’ under-13 doubles event kung saan pinataob nito ang ilan sa matitikas na junior netters sa mundo.
Kabilang na sa mga tinalo nina Cruz at Cabalu sina Kyler Chen at Liren Zhang na kinatawan ng host United States sa gold-medal match.
Produkto sina Cruz at Cabalu ng National Academy of Sports (NAS).
Nahugot si Cruz mula sa Tondo, Manila habang galing naman si Cabalu sa Quezon.
“These victories showcase the world-class talent and training at NAS with the guidance and mentorship of their coaches. Our athletes competed against the best and proved they can level up on the international stage,” ani NAS executive director Josephine Reyes.
Kasama nina Cruz at Cabalu sa delegasyon sina Ghianne Cordova ng Bacolod City, Alexa Gan ng Pasig City, Maria Angelli Cruz ng Bulacan at Angel Nueva ng Northern Samar.
Isa lamang ang US Open sa mahabang listahan ng napagwagian nina Cruz at Cabalu.
Nakahirit si Cruz ng ginto sa WTT Youth Contender 2024 Table Tennis Championships na ginanap noong Oktubre sa Dubai, United Arab Emirates.
Sa parehong torneo rin nakasungkit ng pilak si Cabalu.