MANILA, Philippines — Sa ganda ng inilaro ng Gilas Pilipinas sa taong 2024, posibleng inaabangan na ito sa mga susunod na international tournaments na lalahukan nito sa 2025.
Gumawa ng ingay ang Gilas Pilipinas sa international scene kabilang na ang malalaking panalo nito kontra sa mga world-class teams.
Sinong makalilimot sa paggulantang ng Gilas Pilipinas sa world No. 6 Latvia sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na ginanap noong Hulyo sa Riga, Latvia.
Itinarak ng Pinoy cagers ang impresibong 89-80 panalo kontra sa host Latvia para masiguro ang pag-entra sa semifinals ng Olympic qualifiers para sa Paris Games.
Ito ang unang pagkakataon sa loob ng mahigit anim na dekada na nagwagi ang Pilipinas sa isang European country — at nasa Top 5 pa sa world rankings.
Subalit bigo ang Gilas Pilipinas na makapasok sa 2024 Paris Olympics matapos matalo sa Brazil sa iskor na 60-71 sa semifinals.
Gayunpaman, malaking karangalan na ito para sa bataan ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone dahil sa respetong natatanggap ng tropa sa world stage.
Maliban sa Olympic qualifiers, mainit na sinimulan ng Gilas Pilipinas ang taon sa FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers first window matapos magtala ng dalawang sunod na panalo noong Pebrero.
Inilampaso ng Gilas Pilipinas ang Hong Kong sa iskor na 94-64 sa larong ginanap sa Hong Kong kasunod ang pananaig sa Chinese-Taipei, 106-53, na ginanap sa Maynila.
Sa second window ng qualifiers noong Nob-yembre, muling bumanat ang Gilas ng impresibong panalo.
Isa na rito ang matikas na panalo ng Pinoy squad sa New Zealand sa iskor na 93-89 kung saan nagtala ng solidong laro si 7-foot-3 slotman Kai Sotto na may double-double na 19 puntos at 10 boards kasama pa ang pitong assists, dalawang steals at dalawang blocks.
Binugbog din ng Gilas ang Hong Kong, 93-54, para masiguro ang ikaapat na sunod na panalo.
Wala pang talo ang Gilas tangan ang 4-0 karta na siyang awtomatikong nagbigay sa tropa ng silya sa FIBA Asia Cup 2025 proper na gaganapin sa Agosto sa Jeddah, Saudi Arabia.
Walang duda na maganda ang itinatakbo ng programa ng Gilas sa ilalim ng pamumuno ni Cone.
Kaya naman inaasahang mas lalo pang magiging mabagsik ang Gilas sa susunod na taon dahil sa maayos na coaching staff at solidong lineup.