MANILA, Philippines — Ang pagkopo ng San Miguel sa PBA Commissioner’s Cup, ang paghahari ng Meralco sa Philippine Cup at ang matagumpay na title defense ng TNT Tropang Giga sa Governors’ Cup.
Ito ang mga pangyayari sa PBA sa taong 2024.
Sa 2023-24 season ay inangkin ng Beermen ang Commissioner’s Cup sa tulong ni import Bennie Boatwright laban kay reinforcement Tyler Bey at sa Magnolia Hotshots noong Pebrero.
Sa pagtatapos ng Season 48 ay hinirang si San Miguel superstar June Mar Fajardo bilang MVP sa pang-walong pagkakataon.
Sa Season 49 na sinimulan noong Agosto at nagtapos noong Hunyo ay gumawa ng franchise history ang Bolts nang sikwatin ang Philippine Cup crown laban sa Beermen.
Tinapos ng Meralco ni coach Luigi Trillo ang 14 taong paghihintay para sa kanilang kauna-unahang PBA championship matapos isalpak ni Chris Newsome ang isang baseline jumper para sa 80-78 paglusot sa SMB sa Game Six ng best-of-seven titular showdown.
Muli namang pinagharian ng Tropang Giga ang Governor’s Cup sa ikalawang pagkakataon sa pagbandera ni Best Import Rondae Hollis-Jefferson kontra kay Justin Brownlee at sa Ginebra Gin Kings.
Ito ang pagbabalik ni 10-time PBA champion coach Chot Reyes sa TNT na pansamantalang hinawakan ni Jojo Lastimosa.
Sa Season 49 ay inilunsad ng PBA ang four-point line na hindi ginagamit sa NBA.
Si Meralco guard Chris Banchero ang unang nagsalpak ng four-point shot sa Governors’ Cup opener nila ng Magnolia.
Sa nasabi ring kumperensya hinirang si SMB gunner Marcio Lassiter bilang bagong three-point king sa ipinasok na ika-1,251 triple sa kanilang 131-82 panalo sa Ginebra.
Inungusan niya si PBA legend Jimmy Alapag na hinawakan ang record sa loob ng walong taon.
Naging kontrobersyal ang pagdadala ng Gin Kings kina Christian Standhardinger at Stanley Pringle sa Terrafirma Dyip kapalit nina Stephen Holt at Isaac Go bago magbukas ang Season 49.
Ibinigay naman ng Beermen sina Terrence Romeo at Vic Manuel sa Dyip para makuha sina Juami Tiongson at Andreas Cahilig.