Blazers sinolo ang liderato
MANILA, Philippines — Muling sinolo ng College of St. Benilde ang No. 1 spot matapos talunin ang nagdedepensang San Beda University, 70-62, sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nakabawi ang Blazers mula sa kabiguan para itaas ang kartada sa 14-3 habang bagsak ang Red Lions sa 10-7 kasama ang ikalawang dikit na kamalasan.
Tumipa si rookie guard Jhomel Ancheta ng 18 points at 8 rebounds para banderahan ang St. Benilde na may bitbit na ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four.
Muli rin nilang tinalo ang San Beda sa ikalawang sunod na pagkakataon sa eliminations.
Ang drive ni Penny Estacio ang nagbigay sa San Beda ng 62-61 bentahe sa 5:16 minuto ng fourth period kasunod ang pagbibida nina Allen Liwag, Gab Cometa at Ancheta para sa 68-62 kalamangan ng St. Benilde sa huling 44.4 segundo.
Sa unang laro, isinama ng sibak nang Arellano University ang Colegio de San Juan de Letran sa bakasyon matapos ilusot ang 67-65 panalo.
Nagkuwintas si Lorenz Capulong ng all-around game na 13 points, 12 rebounds, 4 assists, 2 steals at 1 block para sa 7-10 baraha ng Chiefs sa ilalim ng 8-10 marka ng Knights na nagposte ng 2-16 rekord sa Season 99.
Ang putback ni Basti Valencia at free throw ni Capulong ang nagbigay sa Arellano ng 67-65 lead habang bigo si Nat Montecillo na maipasok ang kanyang tres sa panig ng Letran.
- Latest