MANILA, Philippines — Nabawi ng Biñan Tatak Gel ang second spot matapos talunin ang San Juan, 25-23, 25-21, 25-18, sa 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) noong Miyerkules ng gabi sa Bacoor Strike Gym sa Cavite.
Tinapos ng Volley Angels ang kampanya sa 11-5 record (35 points) habang nadulas ang Bacoor Strikers sa 11-4 (33 points) para sa third place mula sa 25-18, 22-25, 17-25, 23-25 kabiguan sa sibak nang AM Caloocan.
Nangunguna pa rin ang Quezon (14-1) na napasakamay ang unang ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four sa upstart league na itinatag ni dating Senator at MPBL chairman Manny Pacquiao.
Nasa ikaapat na puwesto ang Rizal (10-4).
Pumalo si Erika Jin Deloria ng 18 points mula sa 18 attacks para banderahan ang Biñan sa nine-team, two-round tournament na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, ASICS, Mikasa at Gerflor kasama ang MPTV at Outcomm bilang broadcast partners.
Nagdagdag si May Ann Nuique ng 11 markers at may tig-siyam na puntos sina Zenneth Irene Perolino at Jen Kylene Villegas sa pagwalis sa Lady Knights.
Bigo naman ang Bacoor na makuha ang second seed outright sa pagyukod sa Caloocan.
Samantala, nagtala ang Valenzuela Classy (4-11) ng 25-19, 26-24, 27-25 panalo sa WCC Marikina (0-15).