TNT puro na sa korona

Inatake ni Ginebra import Justin Brownlee ang depensa ng TNT Tropang Giga sa Game 5 ng PBA Finals.
Kuha ni Russell Palma

MANILA, Philippines — Dumikit ang nagdedepensang TNT Tropang Giga sa pagkopo sa korona ng Season 49 PBA Governors’ Cup.

Ito ay matapos pabagsakin ng Tropang Giga ang Ginebra Gin Kings, 99-72, sa krusyal na Game Five ng kanilang championship series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

“First of all we just had to keep our heads around us and don’t panic,” ani coach Chot Reyes. “And number two is just focus on our strength, and that is our defense.”

Winakasan ng TNT ang dalawang sunod na kamalasan para agawin ang 3-2 lead sa kanilang best-of-seven titular showdown ng Ginebra.

May pagkakataon ang mga bataan ni Reyes na tapusin ang serye bukas sa Game Six para angkinin ang pang-10 titulo at mu­ling talunin ang Gin Kings matapos noong 2023 PBA Finals.

Hindi makaiskor ang Ginebra dahil sa depensa ng TNT na nagtayo ng 31-point lead, 79-48, sa pagtiklop ng third quarter mula sa 26-20 abante sa first period.

Ipinahinga na ng Tropang Giga si Best Import Rondae Hollis-Jefferson at si Justin Brownlee sa panig ng Gin Kings.

Maganda ang simula ng Tropang Giga kung saan nila kinuha ang 17-9 abante bago tinapos ang first period sa 26-20 kung saan umiskor si Scottie Thompson ng 13 points para sa Gin Kings.

Pinalobo ito ng Tropang Giga sa 17-point lead, 38-21, matapos ang drive ni Roger Pogoy sa 8:07 minuto ng second quarter.

Tuluyan nang nalugmok ang Gin Kings sa 22-point deficit, 25-47, matapos kumpletuhin ni Jayson Castro ang kanyang three-point play sa huling 3:46 minuto bago ang halftime.

Show comments