MANILA, Philippines — Sumandal ang defending champions De La Salle University kay Mike Phillips sa opensa sa fourth quarter upang gilitan ang Far Eastern University, 58-53 sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena kagabi.
Nanamlay ang opensa ni reigning MVP Kevin Quiambao sa nilistang 2-of-17 sa field goal para sa walong puntos at 13 rebounds, mabuti na lamang at may Phillips na sumalba sa Green Archers.
Nirehistro ng energetic na si Phillips ang 17 markers, 15 rebounds, limang steals at tig-dalawang blocks at assists para sa Taft-based squad na tumibay ang kapit sa tuktok ng liderato na may 11-1 karta.
Nasa pangalawang puwesto ng team standings ang last year’s runner-up na University of the Philippines na hawak ang 9-2 card.
Tumikada si Phillips ng 11 points sa final period kasama ang shotclock-beating floater sa final 52.6 seconds para ilagay ang Green Archers sa 54-51 bentahe.
Bago sumalpak ng and-one layup pero nagmintis sa bonus para hawakan ng Green Archers ang limang puntos na kalamangan, 56-51 may 24.1 segundo na lang sa orasan.
Tumarak si Mo Konateh ng 14 points, 27 rebounds at dalawang blocks para sa Tamaraws na lumagpak sa No. 8 tangan ang 4-8 record.