Lady Blazers iniligwak ang Fighting Maroons sa SSL volley

Iniskoran ni Cristy Ondangan ng CSB si Yesha Noceja ng UP.

MANILA, Philippines — Mabilis na kinaldag ng College of Saint Benilde ang University of the Philippines, 25-19, 25-14, 25-20, sa first phase ng 2024 Shakey’s Super League (SSL) collegiate pre-season championship classification round na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.

Ipinaramdam ng three-peat NCAA champions Lady Blazers ang kanilang lakas para tapusin ang Fighting Maroons sa loob lamang ng 79 minuto at sumampa na sa battle for fifth.

Nagsanib puwersa sina Clydel Catarig, Mycah Go at Grace Borromeo para magtala ng balanseng puntus sa tournament na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea at Summit Water

Maging si Lady Blazers setter Cheanae Basarte ay epektibo ang pagpapamahagi ng bola sa kanyang mga spikers.

“Sa amin naman ginagawa namin ‘yung trabaho namin bilang kami lang ang NCAA team na pumasok (sa playoffs). Gusto namin makipagsabayan din kasi ‘yun ang trabaho namin,” saad ni Basarte, na nagtala ng 10 excellent sets. “Iniisip namin na makakatulong ang Shakey’s (Super League) pagpasok sa NCAA,”.

Tumikada si Catarig ng walong puntos, lahat ay galing sa kills para sa Jerry Yee-mentored squad.

Show comments