MANILA, Philippines — Pinatibay ng Mapua University ang tsansa sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four matapos gibain ang University of Perpetual Help System DALTA, 71-57, sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Ang ikaanim na sunod na paglipad ng Cardinals ang nagtaas sa kanilang baraha sa 12-3 sa ilalim ng lider na St. Benilde Blazers (12-2).
Nagsalpak si Cyrus Cuenco ng game-high 21 points tampok ang anim na three-point shots at may 18 at 15 markers sina Clint Escamis at Chris Hubilla, ayon sa pagkakasunod.
Laglag naman ang Altas sa ikalawang dikit na talo para sa 6-10 marka.
Sa unang laro, tumiyak ng playoff para sa ikatlong Final Four spot ang nagdedepensang San Beda University matapos bawian ang Emilio Aguinaldo College, 89-59.
Bumanat si Emman Tagle ng 20 points tampok ang limang tres para sa 10-5 record ng Red Lions at patuloy na solohin ang third spot.
Nahulog ang Generals sa 7-8 marka para sa three-team logjam sa fourth place katabla ang Letran Knights at Lyceum Pirates.