Mojdeh maningning ang ratsada sa World Cup

Micaela Jasmine Mojdeh.
Kuha ni Chris Co

MANILA, Philippines -- Magarbo ang entrada ni Micaela Jasmine Moj­deh sa seniors division matapos makapasok sa finals ng dalawang events sa 2024 World Aquatics Swimming World Cup third leg sa Singapore.

Mainit na sinimulan ni Mojdeh ang kampanya nito matapos umabante sa women’s 200m butterfly finals sa opening day ng torneo.

Nagtala ito ng dalawang minuto at 16.58 segundo para masiguro ang tiket sa finals kasama ang pito pang matitikas na tankers kabilang ang kababayan nitong si SEA Games gold medalist Xiandi Chua.

Sa finals, tumapos si Mojdeh sa ikawalong puwesto matapos magsumite ng parehong 2:16.58 habang nasungkit ni Britanny Castelluzzo ng Australia ang gintong medalya tangan ang 2:03.44.

Nasa ikapito naman si Chua na may nailistang 2:14.10.

“Yung makapaglaro ka sa World Cup is already an achievement for me. Pero nung makapasok sa finals, sobrang saya ko dahil makakasabay ko yung malalakas na swimmers from different countries,” ani Mojdeh.

Sa ikalawang araw ng bakbakan, muling nagpasiklab ang Philippine national junior record holder na si Mojdeh nang makapasok ito sa finals ng women’s 400m Individual Medley.

Nagtala ito ng 5:04.19 sa finals habang napasakamay ni 2024 Paris Olympics silver medalist Katie Grimes ng Amerika ang gintong medalya bunsod ng nakuha nitong 4:24.19.

“Sobrang gandang experience ito for me dahil marami akong natutunan. Ibang iba ang level of competition sa seniors division. Kaya mas lalo akong magpupuprsige para mas mapaganda ko yung time ko for future international competitions,” dagdag ni Mojdeh na pambato ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST).

Nagpasalamat si Mojdeh sa lahat ng tumulong at sumuporta sa kanyang laban at nangakong mas lalo pang magsisikap upang mabigyan ng karangalan ang bansa.

“I’m thankful to my coaches, Sherwyn Santiago and Jerricson Llanos, as well as PAI coaches, PSC, and teammates. This experience will undoubtedly help me grow as an athlete and better represent the Philippines in the future,” ani Mojdeh.

Show comments