ICF World Dragonboat kasado na

MANILA, Philippines — Handang-handa na ang Philippine Canoe Kayak Dragonboat Fe­deration at Puerto Princesa City para sa pagtataguyod ng 2024 ICF Dragonboat World Championships mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 4 sa Palawan.

Sinabi ni PCKDF president Len Escollante na ito ang unang pagkakataon na magiging host ang isang Southeast Asian country sa naturang world event.

May 26 bansa ang kumpirmadong darating sa torneong magsisilbing qualifying para sa World Games na idaraos sa China sa susunod na taon.

“The paddlers alone, we expect over 1,500. Then we have other delegates. They are all excited to come here because they know that aside from the competition, there will be other things to do in Puerto Princesa and Palawan,” ani Escollante sa pagbisita nito sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Sports Complex.

Darating ang mga koponan gaya ng Czech Republic, Hungary, Ukraine, Russia at China.

Ipaparada naman ng Pilipinas ang pinakamatitikas na paddlers nito kung saan target ng tropa na mapantayan o malampa­san ang limang ginto, dalawang pilak at isang tansong medalyang nakuha nito noong 2018 edis­yon na ginanap sa Atlanta, Georgia.

Paglalabanan ang 54 gintong medalya sa 200m, 500m at 2,000m races.

Sa open national team division may 18 gold me­dals ang nakataya habang may tig-siyam naman sa 50-plus at juniors para sa boys at girls.

Show comments