MANILA, Philippines — Umalis na sina EJ Laure at libero Buding Duremdes sa Chery Tiggo, at susunod sa kanila si Eya Laure.
Pinag-uusapan na ang isang buyout sa kontrata ng star outside spiker para tuluyang makawala sa Crossovers at makalipat sa ibang koponan bago ang darating na 2024-25 PVL All-Filipino Conference sa Nobyembre.
Hindi na dumadalo sina Laure at Duremdes sa ensayo ng Chery Tiggo, kinuha si Norman Miguel bilang bagong coach habang ibinaba si dating mentor Kungfu Reyes sa assistant coach spot.
Sa pagkawala ng tatlo ay matitira sa koponan sina Ara Galang, Mylene Paat, Shaya Adorador, Alina Bicar, Jasmine Nabor, Aby Maraño, Cza Carandang at Jasmine Nabor.
Isa sa mga tropang posibleng lipatan ng magkapatid na Laure at ni Duremdes ay ang Choco Mucho kung saan bumabandera si Sisi Rondina.
Noong 2023 ay isinuot ng 25-anyos na si Eya ang uniporme ng Crossovers bago humataw ang PVL Invitational Conference kasama sina University of Sto. Tomas teammate Imee Hernandez at Jen Nierva, Cess Robles at Joyme Cagande ng National University.
Sa nasabing taon ay hinirang si Eya, miyembro ng Alas Pilipinas, bilang Best Outside Spiker sa 2nd All-Filipino Conference.
Inihatid ni Eya ang Chery Tiggo sa magkasunod na 2023 All-Filipino semifinals appearances, ngunit tumapos lamang sa fourth place sa parehong torneo.
Hindi siya nakapaglaro para sa Crossovers sa 2024 Reinforced at Invitational Conferences dahil sa kanyang pagsalang para sa Alas Pilipinas.