Perpetual tutuhugin ang ika-2 sunod

Halos mahubaran si Gelo Gelsano ng Altas dahil sa depensa ni Harvey Pagsanjan ng Generals.

MANILA, Philippines — Puntirya ng University of Perpetual Help System DALTA ang ikalawang dikit na ratsada sa pagsagupa sa San Sebastian College-Recoletos sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament.

Magkikita ang Altas at Stags ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang sal­­pukan ng Mapua Cardi­nals at Lyceum Pirates sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Hawak ng College of St. Benilde ang liderato sa 4-1 kartada sa itaas ng Ma­pua (3-1), nagdede­pen­sang San Beda (3-2), Letran (3-2), Perpetual (3-2), Lyceum (2-2), Emilio Aguinaldo College (2-3), San Sebastian (2-3), Arel­la­no University (1-4) at Jo­se Rizal (1-4).

Umiskor ang Altas ng 73-67 panalo sa Generals para pigilan ang kanilang two-game losing skid.

“Kinausap ko sila... sabi ko bounce back mentality na talaga,” sabi ni coach Ol­sen Racela.

“Hindi na tayo pu­we­­deng matalo pa kasi ‘yun nga, crucial ang next games namin,” dagdag ng PBA legend.

Nakakasap ang Stags ng 73-87 pagkatalo sa Chiefs sa huli ni­lang laro.

Sa ikalawang laro, tar­get ng Cardinals ang ika­apat na sunod na arangkada sa pagharap sa Pirates.

Nagmula ang Mapua sa 77-62 pagsisiw sa Letran.

Show comments