FiberXers hinablot ang No. 3 spot sa quarters

MANILA, Philippines — Ang Converge ang ku­muha sa No. 3 spot at ini­laglag ang Magnolia sa No. 4 sa crossover quarterfinals ng Season 49 PBA Governors’ Cup.

Sinunog ng Fiber­Xers ang Hotshots, 89-82, sa pag­tatapos ng group stage kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Mani­la.

Kumamada si import Jalen Jones ng 27 points at humakot si center Justin Arana ng 12 markers at 12 rebounds.

Isinara ng Converge ang double-round eliminations sa 6-4 record at bagsak ang Magnolia sa 5-5.

Bilang No. 3 sa Group A ay lalabanan ng Fiber­Xers ang Group B No. 2 San Miguel Beermen (6-4) at sasagupain ng Group A No. 4 Hotshots ang Group B No. 1 Rain or Shine Elasto Painters (7-2) sa crossover quarterfinals.

Sa iba pang matchup, magtutuos ang Group B No. 3 Barangay Ginebra (6-4) at Group A No. 2 Me­ralco (7-3).

Lalabanan ng Group A No. 1 TNT Tropang Giga (8-2) ang Group B No. 4 NLEX (5-5).

Matapos ang quarterfinals ay sasalang ang apat na semifinalists sa best-of-seven series patungo sa PBA Finals.

Show comments