MANILA, Philippines — Matapos ang pitong dikit na kamalasan ay nakakuha na rin ng panalo ang sibak nang Phoenix.
Nakabalik sa porma ang Fuel Masters matapos isuko ang 20-point lead sa third period para ungusan ang Blackwater Bossing, 119-114, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Umiskor si import Brandone Francis ng 23 points para sa 1-7 record ng Phoenix at may 20, 19 at 14 markers sina RR Garcia, Jason Perkins at Ricci Rivero, ayon sa pagkakasunod.
Nanganib ang tsansa ng Blackwater, nakahugot kay import George King ng 32 points habang may 30 markers si rookie Sedrick Barefield, sa quarterfinals sa kanilang 3-5 marka.
“Finally, we got a win tonight. I take full responsibility for all those losses. My apologies to everybody, especially to the Phoenix organization and to the players,” ani coach Jamike Jarin.
“We got a win, and we got over the hump. We will work harder for our next game,” dagdag ni Jarin.
Mula sa 30-29 bentahe sa first period ay humataw ang Fuel Masters sa second quarter sa likod ni Rivero para iwanan ang Bossing sa 64-46 bago ang halftime.
Ipinoste ng Phoenix ang 20-point lead, 80-60, mula sa three-point play ni rookie Kai Balunggay bago nakadikit ang Blackwater sa 88-90 sa pagbibida nina Barefield at James Kwekuteye sa pagsisimula ng fourth period.
Umiskor si Garcia ng walong puntos kasama ang dalawang charities sa huling 3:35 minuto ng laro para muling ilayo ang Fuel Masters sa 108-100.
Muling nakalapit ang Blackwater sa 106-110 galing sa triple ni Kwekuteye, habang ang tres ni Francis ang nagbigay sa Phoenix ng 113-107 abante sa natitirang 48.8 segundo.
Kasalukuyan pang naglalaro ang Barangay Ginebra at San Miguel habang isinusulat ito kagabi.