MANILA, Philippines — Dati ay nasa reserve list lang si Kyle Negrito bilang setter ng Creamline dahil sa presensiya ni veteran playmaker Jia Morado-De Guzman.
Ngunit pinatunayan ni Negrito na may ibubuga ito.
Sa katunayan, dinala ni Negrito ang Cool Smashers sa Grand Slam kabilang na ang kampeonato sa katatapos na PVL Invitational Conference.
Kaya naman nasungkit ni Negrito ang Best Setter award kasama pa ang Finals MVP award.
Masaya si Negrito na nagbubunga na ang pagsisikap nito.
Subalit iginiit nito na mas nakasentro ang kanilang atensiyon sa kampeonato sa halip na individual awards.
“Ang focus talaga namin this conferences yung mag-champion. ‘Yan talaga ang goal namin. Yung makakuha ng ganitong award, bonus lang talaga,” ani Negrito.
Maraming bashers si Negrito sa social media dahil madalas itong ikinukumpara kay Morado-De Guzman.
May pagkakataon na ilang miscues ang nagagawa nito sa plays ng Cool Smashers dahilan para mahirapang mag-adjust ang ilang spikers ng koponan.
Pero hindi naging hadlang para kay Negrito ang mga bashers.
Sa halip, naging inspirasyon ito upang patunayan na kaya nitong dalhin ang kanilang koponan sa kampeonato.
Kaya naman ‘dedma’ lang si Negrito sa mga bashers.
“Sabi ni coach dedma lang. Yung mga kasama ko lang din talaga ang pinaghahawakan ko, ibinabalik ko lang yung mga tiwalang ibinibigay nila sa akin,” ani Negrito.